Ang matamlay na kampanya ng Team Philippines sa 29th Olympic Games sa Beijing, China, ang mga international squabbles sa ilang National Sports Associations (NSAs) at ang dramatikong eleksyon.
Ito ang mga bagay na naglagay sa Philippine Olympic Committee (POC) sa mga pahayagan para sa taong 2008.
Isang 15-man national delegation ang ipinadala ng bansa sa 2008 Beijing Games noong Agosto na binubuo nina swimmers Miguel Molina, Ryan Arabejo, Daniel Coakley, JB Walsh at Cristel Simms, divers Shiela Mae Perez at Rexel Ryan Fabriga, taek-wondo jins Marie Antonette Rivero at Tshomlee Go, boxer Harry Tanamor, shooter Eric Ang, archer Mark Javier, weightlifter Hidilyn Diaz at long jumpers Marestella Torres at Henry Dagmil.
Ang nasabing tropa ay nabigong makapaguwi ng anumang medalya mula sa pagsali sa naturang quadrennial event.
“There were a lot of champions in the 2004 Athens Olympics who also failed to even reach the finals of their events,” dahilan ni POC president Jose “Peping” Cojuangco, Jr. “Matching the old Olympic record doesn’t even guarantee a finals (berth) in this edition. That shows this is the toughest Olympics ever.”
Tanging ang Pilipinas lamang ang nabigong makakuha ng anumang medalya sa hanay ng mga miyembro ng Southeast Asia.
Bagamat palagi nang may mga lumilitaw na pagkakamali, sinabi ni Cojuangco, pangulo rin ng equestrian federation, na pawang mga ‘qualified athletes’ lamang ang kanilang ilalahok para sa 2012 Olympic Games sa London.
“Our goal should be to ensure that more athletes qualify for the London Games. We can achieve that if we select athletes and not sports events that can be considered medal potentials,” ani Cojuangco.
Sinalo naman nina wushu artists Willy Wang, Mary Jane Estimar, Benjie Rivera at Marian Mariano ang naturang matamlay na kampanya ng Team Philippines sa 2008 Beijing Games nang magbulsa ng isang gold, isang silver at dalawang bronze medals.
Inangkin ni Wang ang ‘gold medal’ sa men’s combined nanquan/nangun (bare fists) competition, habang silver medal ang sinikwat ni Estimar sa women’s 52-kg class sanshou (combat) at bronze naman sina Rivera (men’s 60kg sanshou) at Mariano (women’s 56kg sanshou).
Ang naturang mga medalya ay hindi ibinilang sa official medal tally ng 2008 Beijing Games.
Bago naman ang POC Elections noong Nobyembre 28, ilang internal issues sa swimming, archery, softball, karatedo at basketball na ipinangako ni Cojuangco na agad niyang reresolbahan sa 2009.
Sa eleksyon, muling nakakuha ng panibagong termino si Cojuangco nang talunin si Art Macapagal, ang halfbrother ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sa POC presidential derby mula sa nakuhang 21-19 boto.
Maliban kay Cojuangco, ang iba pang naihalal sa kani-kanilang puwesto ay sina Manny Lopez ng boxing (first vice-president), Mario Tanchangco ng sepak takraw (second vice-president), Julian Camacho ng wushu (treasurer) at Corrina Mojica ng bodybuilding (auditor).
Binigo naman ni Bacolod Rep. Monico Puentevella ng weightlifting si Robert Aventajado ng taekwondo para sa POC chairmanship race.
Ang POC Board ay binubuo ngayon nina Mark Joseph ng swimming, Dr. Leonora Brawner ng archery, David Carter ng judo at Jeff Tamayo ng soft tennis. (Russell Cadayona)