Kung inspirado man si Filipino super bantam weight champion Bernabe Concepcion nitong mga huling araw, ito ay bunga ng natanggap niyang Pamasko mula kay Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Ang pulang Nike boxing shoes na gina gamit ngayon ni Concep-cion sa kanyang pang araw-araw na ensayo ang ibinigay sa kanya ng world four division champion na si Pacquiao.
“Mabait po talaga at may mabuting puso si Kuya Manny. Pati nga po allo wance ko sa training ay binigyan pa ako kahit hindi ko sinasabi,” papuri ng 20 anyos na si Concepcion sa 30-anyos na si Pacquiao.
Bukod sa paglalagay sa kanya sa promotion sa Sycuan Resort & Casino sa El Cajon, California, kung saan niya tinalo si Giovanni Caro via eight-round KO noong Setyembre 25, pinatira rin ni Pacquiao si Concepcion sa kanyang apartment sa Los Angeles habang naghahanda sa nasabing laban.
Ang nasabing kabaitan ng tubong General Santos City na si “Pacman” ay planong tumbasan ng pam-bato ng Virac, Catanduanes sa pamamagitan ng paglapit sa isang title shot para sa world featherweight crown.
Para sa naturang titulo, binitawan ni Concepcion ang kanyang dating hawak na North American Boxing Federation (NABF) super bantamweight belt.
Nakatakdang sagupain ni Concepcion si Sande Otieno ng Kenya para sa bakanteng World Boxing Council (WBC) International featherweight crown sa Enero 11 sa Araneta Coliseum.
Ibinabandera ni Concepcion ang kanyang 27-1-1 win-loss-draw ring record kasama ang 16 KOs, samantalang dinadala naman ng 33-anyos na si Otieno, nagmula sa isang kabiguan kay Filipino Balweg Bangoyan noong Oktubre 11 sa Davao City, ang 16-1-0 (7 KOs) slate. (Russell Cadayona)