Marikina age-group chessfest dinomina ni Baltazar
Nakakuha ng anim na puntos si Melwyn Kenneth Baltazar ng Maynila para tanghaling overall champion ng 11th Alay Kay Mayor Marikina Age Group Chess Championships noong Sabado sa Marikina Sports Park, Marikina City.
Ang 11-taong-gulang na si Baltazar, na anak ng isang dating chess arbiter, ay ang kumatawan sa Maynila sa Palarong Pambansa sa Palawan noong isang taon. Kabilang sa kanyang panalo ay laban kay World Youth Under 14 campaigner Prince Mark Aquino ng Pangasinan sa isang Caro Kahn game.
Nakakuha rin ng limang puntos sina Paolo Bersamina ng Pasay City at Anfernee Bonifacio ng Marikina. Paghahatian ng tatlo ang nakalaang cash prize para sa ikalawa hanggang sa ikaapat na pwesto.
Sa opisyal na talaan, napunta kay Bersamina, ang top player ng La Salle Greenhills, ang pangkalahatang ikalawang pwesto dahil sa mas mataas na SB tie break point na 20.25 kontra kina Bonifacio (18.00) at Aquino (15.00). Sina Bersamina at Aquino naman ay nakakuha ng karagdagang premyo na P1,000 bawat isa bilang mga kampeon sa under 10 at under 14 age category.
Si Baltazar naman ay naguwi ng P2,000 bilang overall champion at tumanggap ng congressional medal mula kay Marikina 1st District Rep. Del De Guzman. Nanalo rin siya ng P1,000 bilang kampeon sa under 12 category.
Nanalo rin ng P400 bawat isa sina Daryl Unix Samantila ng Malabon, Carlo Caranyagan na nasa poder ni coach NM Rudy Ibañez at ang anim na taong gulang na si Stephen Rome Pangilinan na pawang nakalikom ng 4.5 puntos.
- Latest
- Trending