Soto ang bagong may-ari ng WBC superfeatherweight title
Sa pagbitiw ni Manny Pacquiao sa kanyang dating suot na World Boxing Council (WBC) super featherweight crown, si Mexican Humberto Soto na ang bagong may-ari nito.
Umiskor si Soto ng isang unanimous decision kay Francisco Lorenzo upang tuluyan nang angkinin ang WBC super featherweight belt kamakalawa sa Parque Andres Quintana Roo sa Cozumel, Mexico.
Matatandaang inagaw ni Pacquiao ang nasabing titulo mula kay Mexican Juan Manuel Marquez makaraang tumipa ng isang split decision noong Marso 15.
Matapos ang tagumpay kay Marquez, umiskor naman si Pacquiao ng isang ninth round TKO kay Mexican-American David Diaz para hablutin ang WBC lightweight belt noong Hunyo 28.
Tuluyan nang isinuko ng 30-anyos na si Pacquiao ang WBC super featherweight crown nang labanan si six-division champion Oscar Dela Hoya sa kanilang non-title welterweight fight noong Disyembre 7.
Ilang ulit na ring hinamon ni Soto si Pacquiao sa isang super featherweight fight.
Ang nasabing panalo ni Soto, ginulpi na ang nakababatang kapatid ni Pacquiao na si Bobby, ang nagtaas sa kanyang win-loss-draw ring record sa 46-7-2 kasama ang 29 KOs, habang may 33-5 (14 KOs) card naman si Lorenzo.
Isang kontrobersyal na disqualification ang pinagmulan ni Soto sa kanilang eliminator ni Lorenzo noong Hunyo.
Kumolekta si Soto ng mga puntos na 118-108, 117-109, 117-109 mula sa tatlong hurado para talunin si Lorenzo via unanimous decision at angkinin ang WBC super featherweight title. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending