Isang hakbang na lang ang kailangan ng San Miguel Beer para makasiguro ng playoff para sa isa sa dalawang automatic semifinals berth na nakataya sa pagtatapos ng double round eliminations ng KFC-PBA Philippine Cup subalit hindi pa ito nagawa ng Beermen!
Sa halip ay nagdedelikado pa ngayon ang Beermen na dumaan pa sa ‘wild card phase.’
Tsk, tsk, tsk. Ano ba ang nangyari?
Matapos na matalo sa Talk N Text, 85-80 sa kanilang sagupaan sa Singapore, nakabawi ang Beermen nang magwagi sila sa Red Bull, 89-84 para sa 9-6 record. Pero iyon na pala ang huli nilang tagumpay na maitatala.
Nagkawindang-windang ang kanilang kampanya sa huling tatlong games nila.
Una’y dinaig sila ng undermanned Coca-Cola Tigers, 105-91. Naitala ng Tigers ang panalo sa kabila ng pangyayaring hindi naglaro ang superstar na si Paul Asi Taulava.
Sa sumunod nilang laro’y naungusan sila ng Rain or Shine, 93-92 sa kabayanihan ni Gabe Norwood na gumawa ng winning tip-in sa huling segundo.
At noong Sabado’y dinaig sila ng Barangay Ginebra, 87-82 sa isang pisikal na laro sa Batangas City Sports Center kung saan nanlamlam ang kanilang tsansa matapos na ma-thrown out si Jay Washington sa third quarter.
Bunga ng mga kabiguang ito’y bumagsak ang Beermen sa 9-9 record sa katapusan ng kanilang sked. Puwede pa’ng makatabla sa kanila ang Purefoods Tender Juicy Giants at Air 21 depende sa resulta ng mga natitirang laro. Kapag nangyari ito’y gagamitin ang quotient at isa sa kanila’y malalaglag sa ‘wild card phase.”
Iyon ang masaklap, e. Buhat sa pagiging contender para sa automatic semifinals berth, aba’y may pusibilidad na dumaan pa sa butas ng karayom ang Beermen na bago nagsimula ang torneo’y ipinalalagay na isa sa malalakas na teams sa season na ito.
Well, malakas naman talaga ang line-up ng San Miguel kung kumpleto ito. Ang siste’y hindi kailanman sa elimination round nakumpleto ang Beermen. Nagsimula nga sila nang wala sina Samigue Eman at two-time Most Valuable Player Danilo Ildefonso na kapwa nagpapagaling buhat sa injury. pagkatapos ay nawala si Mike Cortez na nagkaroon ng diperensya sa tuhod. Hindi rin naka-paglaro si Danny Seigle.
Parang napeste ang Beermen at iyon ang siyang humila sa kanilang pababa.
Kapag ganito ang sitwasyon, wala na talagang puwedeng gawin ang isang coach kungdi pakinabangan ang anumang available talent sa kanyang roster. E, kung kulang ng player ang isang team, talagang pupugak ito at mahihirapang manalo.
Sayang talaga ang kampanya ng San Miguel. Pero hindi pa naman tapos ang laban. Puwede pa silang makabangon.