AUTOMATIC SEMIS BERTH
Hanep!
Iyan ang naibulalas hindi lamang ng mga fans ng Rain Or Shine kundi mga sumusubaybay ng KFC-PBA Philippine Cup sa 93-92 panalong itinala ng Elasto Painters kontra San Miguel Beer noong Miyerkules.
Ang ganda naman kasi talaga ng ending ng larong iyon para sa Elasto Painters.
Ang akala ng karamihan ay tuluyang magko-collapse ang Rain or Shine matapos na mapalis ang limang puntos na kalamangan nila at makalamang ang Beermen, 92-91 sa follow-up ni Dorian Peña may 2.6 segundo ang nalalabi.
Pero nagpakita ng magandang poise ang Elasto Painters sa kanilang huling opensiba. Nagmintis ng isang threepoint shot si Allan Salangsang subalit lumipad ang prized rookie ng Rain or Shine na si Gabe Norwood para sa follow-up shot na nagpanalo sa kanila.
Dahil sa panalong iyon, aba’y malaki ang tsansa ng Elasto Painters na masungkit ang isa sa dalawang automatic semifinals berths na nakataya sa katapusan ng double round elims.
Siyempre, maganda para sa Elasto Painters na ulit-ulitin sa kanilang gunita ang game-winning shot ni Norwood. Pero baka binangungot naman ang Beermen nang gabing iyon. panalo na, natalo pa!
Kung gumanda ang tsansa ng Elasto Painters na dumiretso sa semis, nalabusaw naman ang pangarap ng Beermen na magawa ang misyong iyon. Kahit pa manalo ang Beermen kontra sa Gin Kings sa huling out-of-town game ng torneo sa Batangas City Sports Center, walang katiyakang didiretso sila sa semis. Kasi, nasa ikaapat na puwesto sila. Kung magwawagi ang Rain or Shine at Talk N Text sa huling assignment nila sa Pasko, sarado na ang pinto para sa Beermen.
Hindi naman nakakagulat na makakuha ng automatic semis berth ang Talk N Text dahil sa palagi namang powerhouse ang line-up nito at ngayon nga’y kapado na ni coach Vincent “Chot” Reyes ang kanyang koponan.
Ang Talk N Text at San Miguelang siyang itinuturing na best two teams sa torneo. Pero medyo pumupugak ang Beermen sa dulo ng elims.
Ang talagang eye-popping at nakakagulat ay ang Rain or Shine. Kumbaga’y marami ang nagsasabing “What a difference three rookies make!”
Bukod kay Norwood, malaki din ang naiaambag ng kanyang kapwa baguhang sina Solomon Mercado at Tyrone Tang.
Biruin mo’ng from last placers sa hulign apat na conferences, ngayo’y puwede pa silang maging number one kung saka-sakali!
Angkop sa kanila yung Biblical passage na “The last will be first!”
- Latest
- Trending