Sa kabila ng kabiguang paghandaan ang mga big men ng Burger King, nagawa pa rin ng Magnolia Purewater na magrehistro ng panalo.
Sa likod ng freethrows ni point guard JP Alcaraz, iginupo ng Wizards ang bumubulusok na Stunners, 71-67, sa second round ng 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup kahapon sa Guadalupe Viejo Sports Complex sa Makati City.
Ang nasabing tagumpay ang nagpalakas sa tsansa ng Magnolia sa 7-2 sa ilalim ng nangungunang five-time champions Harbour Centre Batang Pier (8-1) kasunod ang Hapee Complete Protectors (4-4), Bacchus Energy Warriors (4-4), Toyota Otis Sparks (3-5), Stunners (3-6) at Pharex (1-7).
Umiskor si Neil Raneses 16 puntos para pagbidahan ang Magnolia kasunod ang 15 ni Alcaraz. At 10 ni Eder Saldua.
“We thought we made less preparation against their big men,” ani Wizards coach Koy Banal sa Stunners ni mentor Allan Gregorio. “But I was surprised that we managed to dominate them on the boards.”
Itinala ng Magnolia ang 45-36 bentahe sa 4:47 ng third quarter galing sa putback ni Johan Uichico bago naitabla ng Burger King ang laro sa 63-63 buhat sa pagbibida ni Christian Luanzon.
Tuluyan nang naagaw ng Stunners ang lamang sa 65-63 buhat sa dalawang freethrows ni Nestor David.
Ang jumper ni Al Magpayo ang nagtabla sa Wizards sa 65-65 bago ang naikonektang freethrows ni Alcaraz.
Pinangunahan ni David ang Burger King sa likod ng kanyang game-high 18 produksyon sa itaas ng 17 ni Luanzon subalit hindi ito naging sapat para manalo sila.