Muntik nang makawala sa Rain or Shine ang panalo ngunit isang miracle shot ang pinakawalan ni Gabe Norwood upang mapreserba ng Elasto Painters ang panalo nang kanilang itakas ang 93-92 tagumpay kontra sa San Miguel Beer sa pag-usad ng KFC PBA Philippine Cup na malapit nang magtiklop ng classification round, sa Araneta Coliseum kagabi.
Matapos maghabol sa kabuuan ng fouth quarter kung saan nabaon ng 10-puntos ang Beermen, nagawa nilang agawin ang kalamangan, 92-91 sa pamamagitan ng long shot ni Lorde Tugade, may 2.6 segundo na lamang ang natitira para sa huling posesyon ng Rain or Shine.
Nagmintis naman ang tres ni rookie Allan Salangsang ngunit nangibabaw sa ere si Norwood mula sa ilalim upang tapikin ang bola pabalik sa goal na pumasok bago maubos ang oras.
Kinailangan pa ng mga game-officials na klaruhin sa slomo ang basket ni Norwood kung umabot pa ito sa oras at nang tuluyan na nila itong i-count nagdiwang ang Elasto Painters para sa kanilang ika10-panalo sa kabuuang 17-laro.
Lumakas ang tsansa ng Rain or Shine sa isa sa dalawang outright semifinal slot na ipagkakaloob sa top two teams pagkatapos ng classification round at kailangan na lamang nilang ipanalo ang huling asignatura laban sa Ginebra.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban ang Talk N Text at Barangay Ginebra kung saan magkakasama na ang magkapatid na Ranidel at Yancy De Ocampo.
Nakuha ng Tropang Texters si Ranidel mula sa Air21 kapalit ni Don Allado at future draft pick na inaasahang magpapalakas ng kanilang kampanya.
Ang Talk N Text ay may 9-7 record habang ang Gin Kings ay may 8-7 kartada.