Cagayan de Oro City--Ipinagpatuloy ng Laguna ang kanilang paghakot sa ginto matapos na muling kumubra ng 13 gold medals kahapon at isubi ang overall title sa pagsasara ng 3rd Philippine Olympic Festival National Championship sa Don Gregorio Pelaez Sports Complex dito.
Ipinakita nina welterweight Jacob Gonzales, middleweight Anthony Deo at featherweight Jenina Gay Go ang kani-kanilang supremidad sa taekwondo upang banderahan ang kampanya ng Southern Tagalog sa pagsilo ng kabuuang 59 gold, 39 silver at 38 bronze medals.
Naging malamya naman ang kampanya ng General Santos City ng apat na gold lang ang kanilang nakubra-tatlo sa taekwondo at isa sa arnis, pero napanatili nila ang kanilang kapit sa ikalawang puwesto taglay ang 44-29-28 (gold-silver-bronze) haul.
Dumanas naman ng kamalasan ang defending champion Manila ng mahubaran ng korona at makuntento lamang sa ikatlong puwesto matapos na humukay lamang ng 13 ginto, mula sa archery at makalikom ng 38-33-15 tally, na angat lang sila ng bahagya sa Baguio 36-27-39.