Nakalapit ang Harbour Centre sa unang outright semis slot matapos ang 86-76 panalo laban sa Toyota Otis sa pag-usad ng 2009 PBL PG Flex Linoleum Cup sa Letran gym sa Intramuros kahapon.
Umarangkada sa ikalawang quarter ang mga Batang Pier upang iwanan ang Sparks na tinalo nila sa ikalawang sunod na pagkakataon sa season na ito para sa kanilang ikawalong panalo sa siyam na laro.
“It’s a good win before the Christmas break, everybody played well especially our big guys Jerwin (Gaco) and Rico (Maierhofer),” ani Harbour coach Jorge Gallent.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng mga batang Pier ni team owner Mikee Romero upang makakuha ng outright semis slot na ipagkakaloob sa top-two teams pagkatapos ng elimination round.
Nalaglag naman ang Sparks sa 3-5 at lumabo na ang kanilang pag-asang makakuha ng outright semis slot. Kailangan nilang ipanalo ang huling apat na laro upang magkaroon ng pag-asa sa outright semis.
“We challenge our frontline to beat Toyota Otis sa boards and they just did it,” ani Gallent na sumandal kay Benedict Fernandez sa pagkawala ni guard Mark Barroca.
Humakot si Fernandez ng 20-puntos bukod pa sa pitong rebounds upang makabawi ang Port Masters sa 78-74 pagkatalo sa Pharex noong nakaraang linggo.
Tumapos naman ang 6-foot-6 na si Maierhofer ng 15 points at 12 boards.