Delikado pa ang Alaska
Nakakaalarma na rin ang nangyayari sa Alaska Milk na nakalasap ng tatlong pagkatalo sa huling apat na games sa KFC-PBA Philippine Cup.
Kumbaga sa karera ng kabayo mabilis sa largahan ang ginawa ng Aces subalit pagdating sa “far turn’ bumabagal at sumasandal na sila samantalang ang ibang “stayers” ay rumeremate na.
Buhat sa impresibong 9-3 record, ngayon ay 10-6 na sila at puwedeng may kasosyo na ang Aces sa itaas ng standings depende sa resulta ng laro ng Talk N Text kontra Purefoods Tender Juicy Giants kagabi.
Ang una sa tatlong dikit na kabiguang sinapit ng Aces ay galing sa nagtatanggol na kampeong Sta. Lucia Realty, 92-80 noong Nobyembre 28. Pansamantala silang nakabawi nang tambakan nila ang Coca-Cola Tigers, 99-83.
Pero matapos iyon ay back-to-back na pagkatalo ang sinapit nila. Hinagupit sila ng nangungulelat na Red Bull Barakos, 100-80 noong Miyerkules. At noong Sabado’y naungusan sila ng Barangay Ginebra, 84-82 sa kanilang out-of-town game sa Cagayan de Oro City.
Kung tatanungin ang “oddsmakers” tiyak na sasabihin nilang ang Aces ay paboritong manalo kontra Barakos at Gin Kings.
Hindi nga ba’t ang Barakos ay nanganganib na ngang hindi makarating man lang kahit sa “wild card phase.” Napakaraming pagbabagong naganap sa kampo ng Red Bull na nagpamigay ng mga premyadong players bago nagsimula ang season.
Ang Barangay Ginebra naman ay nagsisimula pa lamang umakyat ng standings matapos ang masagwang simula. Pero patuloy na nadedehado ang Gin Kings dahil sa hindi naglalaro ang superstar na si Mark Caguioa.
At noong Sabado ay hindi pa kasama ng Gin Kings ang beteranong si Junthy Valenzuela na nasuspindi ng isang game bunga ng panununtok kay Nino Canaleta sa laban nila kontra Air 21. So agrabyado talaga ang tropa ni coach Joseph Uichico.
Ano ba ang nangyayari?
Nagkukumpyansa ba ang mga bata ni coach Tim Cone sa dulo ng eliminations dahil sa tinalo na nila ang mga kalaban sa first round?
O nagiging predictable na ang Aces dahil iyon at iyon ang kanilang sandata?
Kasi nga’y tukoy na ng ibang teams kung sino ang talagang dapat na mapigilan upang talunin nila ang Alaska Milk. Dalawa lang ang kailangang ma-shutdown o malimitahan at ito’y ang two-time Most Valuable Player na si Willie Miller at si Joe Calvin DeVance.
Kumbaga, sa umpisa ng elims ay ito ang pinuntahan ni Cone at hanggang sa dulo ay ito pa rin ang inaasahan niya. Kailangan sigurong mag-step up ang ilang mga Aces upang mahirapan naman ang kalaban nila.
* * *
Belated birthday greetings kina Beth Celis, Alaska Milk coach Tim Cone at ex-PBA cager Zandro Limpot na nagdiwang kahapon, December 14.
- Latest
- Trending