Fil-Am reliever pitcher ng SF Giants darating
Bibisita sa bansa ang Filipino-American reliever pitcher ng San Francisco Giants na si Geno Espineli sa Disyembre 12 hanggang 16.
Ang 26-anyos na si Espineli, na ang mga magulang ay mga Filipino ay tutungo ng bansa upang bisitahin din ang mga kamag-anak sa ina na nakabase sa Lumban, Laguna.
Ang delegasyon ni Espineli ay darating sa Biyernes at agad ring bibigyan ng mainit na pagsalubong ni US Ambassador to the Philippines, Kristie Kenney sa kanyang tahanan.
Kasama rin sa itenerarya ng pagbisita ni Espineli ay ang pagdalo sa ibang sports events kasama na nga ang pagiging panauhing pandangal sa pagsisimula ng Baseball Philippines Series IV finals sa pagitan ng Cebu at Dumaguete sa Sabado, Disyembre 13.
May taas na 6’4”, si Espineli ang siyang magsasagawa ng ceremonial pitch sa Game One ng BP Finals. Maliban dito ay magiging panauhin din siya sa Philippine Basketball Association bukod pa sa pagsaksi sa championship games sa Muntinlupa Kids Tournament of Champions na inorganisa ng Junior Baseball and Softball foundation.
Magdaraos din ng clinic sa Alabang baseball and softball community si Espineli na ikalawang Pinoy na nakapaglaro sa Major League Baseball kasunod ni Bobby Balcena na naglaro sa Washington Nationals noong 1956.
Si Espineli ay hinirang bilang 14th pick noong 2004 pero naglaro siya sa Gresno Grizzlies na isang AAA club team na pag-aari rin ng Giants.
Nitong Hulyo 20 lamang ay opisyal na naisuot ni Espineli ang uniporme ng Giants sa MLB at ginamit sa 15 laro at nakapagtala ng 2-0 panalo-talo karta buhat sa 5.06 ERA sa 9 Earn Runs sa 16 inning pitch.
Ikinonsidera rin ang kaliweteng pitcher sa Team USA para sa 2008 Beijing Games pero mas pinili niya ang maglaro sa Giants.
May mga serye rin ng press conference sa mga mamama-hayag ang inilinya sa kanyang pagbisita bago tumulak sa Tokyo sa Disyembre 17.
- Latest
- Trending