Nakatakdang dumating bukas ng umaga sa Pilipinas si Manny Pacquiao mula sa Los Angeles, California sakay ng isang Philippine Airlines flight sa Ninoy Aquino International Airport kung saan siya inaasahang sasalubungin ng kanyang tatlong anak at libu-libong tagahanga.
Sa panayam kahapon ni Mike Enriquez sa DZBB, sinabi ng 29-anyos na si Pacquiao na plano niyang ipagdiwang ang kanyang ika-30 kaarawan sa Disyembre 17 sa General Santos City.
Isang ‘grand welcome’ ang inihanda nina General Santos City Mayor Pedro Acharon, Jr. at Rep. Darlene Custodio para sa pag-uwi ni “Pacman” sa kanilang lungsod.
“Nagpapasalamat ako tauspuso sa mahal na Panginoon at nagpapasalamat ako sa buong sam-bayanang Pilipino sa pagdarasal nila. Narinig ang dasal natin,” wika ni Pacquiao ukol sa kanyang eight round stoppage kay Oscar Dela Hoya noong Linggo.
Idinagdag pa ni Pacquiao na hindi lang pansarili ang nasabing tagumpay niya sa 35-anyos na si Dela Hoya.
“Itong karangalang natamo ko ay hindi lang sa akin kundi para sa ating mga Pilipino, para sa ating bansa kahit saang sulok ng mundo lahat ho tayo mga Pilipino,” sabi ni Pacquiao.
Hinggil naman sa sinasabing makakasagupa niyang si Ricky Hatton, ang kasalukuyang Inter-national Boxing Organization (IBO) light welterweight champion mula sa Manchester, England, sinabi ni Pacquiao na maaga pa para pag-usapan ito.
“Masyado pang maaga, malayo pa naman ,” wika ni Pacquiao. (Russell Cadayona)