Tuluy-tuloy ang pagbangon ng Barangay Ginebra nang kanilang pasadsarin ang Red Bull, 83-76 sa pagpapatuloy ng KFC PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum kagabi.
Kahit na wala ang mga pambatong sina Mark Caguioa at Jay Jay Helterbrand na parehong may injury, kinubra ng Gin Kings ang ikaapat na sunod na panalo, ikalima sa huling anim na laro matapos ang five-game losing streak.
Sumulong ang Gin Kings sa 7-6 kartada kung saan katabla nila ang Talk N Text, Rain or Shine at defending champion Sta. Lucia.
Kasalukuyang naglalaban ang Realtors at Elasto Painters sa ikalawang laro kagabi.
“We’re really getting lucky that we’re still in striking distance sa itaas. Sana we can sustain this kind of game that we’re playing, and hopefully when we do get complete in time naman for the next round,” pahayag ni coach Jong Uichico sa Ginebra.
Umabante ang Ginebra ng 17-puntos, 62-45 ngunit naubos ito nang pakawalan ng Bulls ang 18-5 atake nina Cyrus Baguio, Celino Cruz, Mike Hrabak at rookie Larry Rodriguez, 5:46 minuto ang natitira sa fourth quarter.
Ngunit muling dumistansiya ang Gin Kings sa tulong nina JunJun Cabatu, Eric Menk, Junthy Valenzuela at Ronald Tubid na nagtulung-tulong sa 10-2 produksiyon sa huling 1:15 minuto ng laro para sa 83-72 kalamangan.
Tumapos sina Tubid at Salvacion ng tig-15-puntos, 12 kay Valenzuela at 10 kay Paul Artadi para sa Ginebra na nagpalasap sa Bulls sa ikapitong sunod na panalo na lalong nagbaon sa kanila sa 3-10 kartada.