Arcilla, Zoleta kampeon sa PCA Open

Nagtala si second seed Johnny Arcilla ng 4-6, 7-6 (5), 5-7, 6-3, 6-1 panalo laban kay top seed Patrick John Tierro upang maidepensa ang men’s singles title sa 2008 Philippine Columbian Association Open Tennis Championships sa club’s indoor shell court.

“Masarap ang pakiramdam,” ani Arcilla, nanalo ng kanyang ikatlong sunod na titulo at ikaapat sa kabuuan para sa P110,000 cash, kabilang ang P10,000 sa doubles matapos nilang talunin ni Tierro sina eighth seeds Cris Cuarto at Fil-Canadian Jeremy Salvo, 6-3, 6-4 sa final. 

Nauna rito, nakabangon si top seed Bambi Zoleta sa third set para makopo ang women’s singles title laban kay third seed at defending champion Czarina Mae Arevalo 6-2, 4-6, 6-2, sa event na hatid ng Cebuana Lhuillier at suportado ng THE STAR, Pagcor, Dunlop balls at Hewlett Packard.

Sinamantala ni Zoleta, pride ng Lucena City, ang di magandang service game ni Arevalo para sa kanyang ikalawang titulo sa taong ito matapos manalo sa Alcala Memorial Cup sa Lucena City.

“Ang saya-saya ko,” wika ng 16-gulang na si Zoleta na nag-uwi ng P50,000. “Magaling si Cza (Arevalo) kaya nung makuha ko yung first set, alam kong babawi siya sa second set. Hindi siya papayag na basta-basta magpapatalo.”

Show comments