Sa pagitan ng mga Presidential brothers, si Jose “Peping” Cojuangco, Jr. ang muling nabigyan ng pagkakataong mamuno sa Philippine Olympic Committee (POC).
Tinalo ni Cojuangco, nakababatang kapatid ni dating Pangulong Cory Aquino, si Art Macapagal, ang half-brother ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo, sa pamamagitan ng 21-19 boto para sa presidential race ng POC kahapon sa Alabang Golf and Country Club sa Muntinlupa City.
Ang paglimot sa nasabing ‘exercise’ at ang pagbubuong muli ng relasyon ng mga National Sports Associations (NSA)s ang kaagad na gagawin ni Cojuangco, pinuno ng equestrian federation.
“The first thing in my mind should be to forget about this contest or election, do our best to get everybody together again and work for the welfare of Philippine sport,” wika ni Cojuangco, dating kinatawan ng Tarlac sa Kongreso, para sa kanyang ikalawang sunod na termino bilang POC chief matapos noong 2004.
Sa kabila ng naunang banta ng isang archery group na kukuha ng isang Temporary Restraining Order (TRO) para pigilan ang pagboto ni Dr. Leonora Brawner, nasa tiket ni Cojuangco, matiwasay pa ring naidaos ng POC Elections Committee nina dating Rep. Victorico Chavez, Ateneo De Manila University athletics chief Ricky Palou at De La Salle University athletics head Bro. Bernie Oca ang nasabing eleksyon.
Matapos ihayag ang pagkapanalo ni Cojuangco, kaagad na nakipagkamay ang shooting association head na si Macapagal, isang two-time Olympic Games campaigner.
Ang bagong termino ang magbibigay kay Cojuangco ng apat na taon bilang POC president simula sa Enero 1 ng 2009 hanggang sa Disyembre 31 ng 2012, ang taon kung kailan nakatakda ang 30th Olympic Games sa London.
Ang iba pang nanalo para sa kani-kanilang posisyon ay sina Bacolod Rep. Monico Puentevella ng weightlifting (chairman), boxing vice-president Manny Lopez (first vice-president), sepak takraw head Mario Tanchanco (2nd vice-president), wushu chief Julian Camacho (treasurer) at body building secretary-general Corrina Mojica (auditor), habang pumuwesto naman sa POC Board sina Brawner, Mark Joseph ng swimming, David Carter ng judo at Jett Tamayo ng soft tennis, ang tanging nanalo sa grupo ni Macapagal. (Russell Cadayona)