Suspensiyon ng AIBA, iaapela ni Lopez
Pagprotekta sa integridad ng Pilipinas at sa International Amateur Boxing Association (AIBA) ang siyang nakikitang dahilan ni Manny Lopez kung bakit siya pinatawan ng dalawang taong suspension bilang kasapi ng AIBA executive committee.
Inamin ni Lopez, ang pangulo ng ABAP na magtatapos ang termino sa Disyembre 31, na ilang linggo na niyang natanggap ang liham ng suspension na nilagdaan ni Ho Kim na AIBA executive director.
“Isang harassment ito sa akin dahil kinakalaban ko sila. Alam kong ganito ang mangyayari dahil kinukuwestiyon ko ang ilang mga nakikita kong maling gawain sa AIBA at ang pagprotekta ko sa Pilipinas sa Thailand SEA Games,” wika ni Lopez.
Ang isa sa umano ikinainis sa kanya ng AIBA officials maliban ang pag-withdraw ng mga Filipino boxers sa finals ng men’s boxing sa 24th SEAG ay ang pagsilip sa nauubos nang pera ng AIBA.
Ngunit hindi naman basta-basta susuko si Lopez dahil tiniyak niyang ilalaban niya ang kaso na sa tingin niya ay malakas, sa Court of Arbitration for Sports ng IOC.
“May mga nakausap na akong mga abogado at lahat sila ay nagsasabi na hindi ito makatuwiran. Kaya iaapela ko ito sa CAS sa Lausanne, Switzerland,” dagdag pa nito.
- Latest
- Trending