Mukhang nag-iinit na ang Barangay Ginebra at hindi na nito iniinda ang pagkawala ng superstar na si Mark Caguioa. Ang Gin Kings ay nakapagtala ng back-to-back na panalo laban sa Purefoods (90-80) at Sta. Lucia Realty (93-81) upang mag-improve sa 5-6 record.
Hindi basta-basta ang mga teams na tinalo ng Gin Kings. Ang Realtors ang siyang defending champion ng KFC-PBA Philippine Cup samantalang ang Giants ang siyang sumegunda noong nakaraang taon.
Bale nagwagi ang Barangay Ginebra sa tatlo sa huling apat na games nito. Dinaig ng Gin Kings ang Coca-Cola, 81-77 sa kanilang out-of-town game sa Lucena City noong Nobyembre 8. Pero matapos iyon ay natalo sila sa Talk N Text, 103-90.
Magandang senyales ang back-to-back na panalo ng tropa ni coach Joseph Uichico at siyempre sumigla na naman ang mga fans ng pinakapopular na koponan sa bansa. Ibig sabihin ay palaban talaga sila at may posibilidad na dumiretso sila sa itaas. Kasi nga’y hindi naman ganoon kalaki ang agwat ng mga nasa unahan.
Nakaganda marahil sa Gin Kings ang pangyayaring nalaman nila na hindi na nila makakasama pa si Caguioa hanggang sa dulo ng conference dahil sa knee injury nito. Si Caguioa ay nananatiling nagrerehab sa Estados Unidos. Kumbaga’y wala na silang inaasahang karagdagan pa sa team.
Hindi na pampuno ng kakulangan ni Caguioa ang papel ng mga tulad nina Ronald Tubid, Junthy Valenzuela at Sunday Salvacion. Sila na ang inaasahan ni Uichico ngayon.
At talaga namang malalim ang Gin Kings sa posisyon ni Caguioa, e. Sinuman sa tatlong manlalarong nabanggit ay puwedeng maging main man ng ibang teams.
Kahit naman noong nasa University of the East si Tubid ay kamador na siya at capable siya na umiskor ng 20 puntos o higit pa sa isang laro. Si Valenzuela ay isang beterano na minsan ding naging main man ng Red Bull bago naipamigay sa Barangay Ginebra. Si Salvacion, na ipapalit sana ng Gin Kings sa Red Bull nang makuha si Valenzuela, ay isang dating Most Valuable Player noong naglalaro pa siya sa College of St. Benilde sa National Collegiate Athletic Association.
Ang mga ito’y may kapasidad na magningning kapag nabigyan sila ng pagkakataon.
At ang pagkakataong iyon ay ngayon na.
Hahabang tiyak ang kanilang playing time dahil sa si Caguioa ay nag-aaverage ng halos 30 minuto kada laro. Ibig sabihin ay mabibigyan sila at least ng extra ten minutes bawat isa.
Hindi biro ang karagdagang minutong iyon at tiyak na gagamitin nila iyon upang patunayan ang kanilang kakayahan.
Ang problema, kapag nakabalik na si Caguioa sa susunod na conference kung saan may import pa silang kakampi.
Paano bibiyayaan ni Uichico ang mga manlalarong pansamantalang bumuhat sa Barangay Ginebra sa oras ng krisis?
Bahala na.