Dahilan na rin sa pagkakaroon ng putok sa kanyang kanang kilay bunga ng headbutt, isinuko ni Filipino super bantamweight sensation Rey ‘Boom Boom’ Bautista ang isang unanimous decision kay Mexican Heriberto Ruiz sa kanilang eight-round fight kahapon sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagtamo ng malaking putok sa kanyang kilay ang pambato ng Candijay, Bohol na naglaglag sa kanyang win-loss-draw ring record sa 26-2-0, kasama rito ang 19 KOs.
Para sa kanyang tagumpay, nakakolekta si Ruiz, nakalaban na si world super bantamweight titlist Rafael Marquez, ng 80-70, 78-72 at 77-73 puntos mula sa tatlong hurado.
Bilang preparasyon sa beteranong si Ruiz, halos isang buwan na nagsanay ang 22-anyos na si Bautista sa training camp ni American trainer Floyd Mayweather, Sr. sa Las Vegas.
Subalit ang lahat ng ito ay nabalewala matapos pumutok ang kanang kilay ni Bautista sa third round galing sa headbutt bago napabagsak ni Ruiz, may 40-7-2, 23 KOs slate ngayon, gamit ang isang matulis na left hook.
Isa pang point deduction sa seventh round dahil sa low blow ang nagpahina kay Bautista, pinatulog ang kanyang mga kalaban sa una niyang 23 laban hanggang mapabagsak ni dating Mexican world super bantam-weight champion Daniel Ponce De Leon sa first round noong Agosto 2007 sa Arco Arena sa Sacramento, California.
Sa kabila ng nasabing kabiguan, tangan pa rin ni Bautista ang kanyang World Boxing Organization (WBO) InterContinental super bantamweight crown. (RCadayona)