Matapos masira ang kanilang four-game winning streak, bumawi ang Alaska, malas nga lamang ng Talk N Text at sila ang napagdiskitahan ng Aces.
Gumamit ang Alaska ng mainit na 26-0 bomba sa unang quarter upang maagang kontrolin ang laro tungo sa kanilang pagdomina sa Tropang Texters na inilampaso nila sa pamamagitan ng 113-86 panalo sa pag-usad ng 2008 KFC-PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa The Arena sa San Juan kahapon.
Buhat sa 12-13 kalamangan ng Talk N Text, ikinamada ng Aces ang kanilang pamatay na 26-0 run, ang ikalawang all-time longest run sa league history matapos ang 32 ng Ginebra Gin Kings sa final canto ng kanilang 116-90 panalo sa Shell sa Game 5 ng 1991 PBA First Conference Finals, upang iposte ang 38-13 sa 10:32 ng second quarter tungo sa kanilang malaking tagumpay.
Ito ang ikasiyam na panalo ng Alaska sa 12-laro na naglayo sa kanila sa pumapangalawang San Miguel Beer na may 7-4 record habang bumagsak naman ang Talk N Text sa 5-6 record sa likod ng pumapangatlong defending champion Sta. Lucia Realty (6-4) at Rain Or Shine (6-5).
Tumapos si 6-foot-8 Sonny Thoss ng 17 puntos kasunod ang 15 ni LA Tenorio, 14 ni John Ferriols at 13 ni two-time Most Valuable Player Willie Mille para sa 27-point winning margin ng Alaska na siyang pangalawang pinakamalaking margin ngayong torneo makaraan ang 118-89 panalo ng San Miguel sa Ginebra noong Oktubre 22.
Magpapatuloy ang aksiyon sa Cuneta Astrodome sa pagsasagupa ng Rain or Shine at Coca-Cola (4-7) sa alas-4:00 ng hapon na susundan ng sagupaan ng Purefoods (5-7) at San Miguel na nais makabangon sa dalawang sunod na talo, sa alas-6:30 ng gabing laban.
Habang sinusulat ang balitang ito, kasalukuyang naglalaban ang Sta. Lucia at ang Barangay Ginebra (4-6). (Mae Balbuena)