Patrimonio masaya kahit natalo sa Haponesa
NAGWAKAS ang kampanya ng natatanging Pinay sa PLDT-Smart ITF Women’s Circuit Week II na si Anna Christine Patrimonio nang lasapin ang 5-7, 3-6 kabiguan sa kamay ni Yumi Nakano ng Japan kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Lumabas ang malawak na karanasan sa paglalaro upang maisantabi ang 5-3 panimula ng qualifier ng Pilipinas.
Pero nakalusot pa rin si Nakano nang mahigitan ang 16 anyos na si Patrimonio sa ninth game sa serbisyo ng huli bago kinuha ang first set sa kanyang serve.
Dala ng kawalan na ng pressure ay madaling nangibabaw ang 20-anyos na Japanese netter para umabante sa quarterfinals.
Wala namang paghihinanakit na naramdaman si Patrimonio na siyang natatanging manlalaro ng bansa na nakaabante sa second round sa dalawang yugtong torneo.
“Nakaramdam ako ng pressure pero masaya ako dahil nakaabot ako ng second round sa unang pagsali ko sa ganitong tournament,” wika ni Patrimonio.
Sunod na makakalaban ni Nakano, na 696th ranked sa mundo, si Jessie Rompies ng Indonesia na pinataob si Marina Novak ng Liechtenstein, 6-3, 6-2 sa isa pang laro sa second round.
Ang top seed na si Sacha Jones ng New Zealand ay umabante rin nang pagpahingahin si Renee Binnie ng Australia, 6-3, 6-0, upang ikasa ang pagkikita nila ng Week One champion na si Lavinia Tananta ng Indonesia na humirit ng 7-6 (12), 6-2 panalo kay Yoo Mi ng Korea.
Ang iba pang nagsipanalo ay sina Elodie Rogge-Dietrich ng France, second placer sa Week One, Ayu-Fani Damayanti ng Indonesia, Li Ting ng China at Kang Seo Kyung ng Korea. (ATAN)
- Latest
- Trending