BACOLOD CITY — Maganda ang panimula ni Rodolfo Luat at pinigilan ang pagbangon ni hometown bet Ramil Gallego tungo sa 13-10 panalo upang koronahan ang sarili bilang kampeon sa First Senate President Manny Villar Cup Bacolod leg noong Linggo ng gabi sa Garden Royal Function Hall ng Goldenfields Commercial Complex dito.
“I’m very happy with this victory, dahil napatunayan ko na kaya ko pa palang mag-champion kahit medyo lumalabo na ang aking mata,” ani Luat, na napagwagian din ang top prize na $15,000 sa paghahari sa ikalimang yugto ng prestihiyosong island-hopping series na ipiniprisinta ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine sports.
Ngunit hindi naging madali para kay Luat ang daan patungo sa tagumpay na hindi nakaabot sa second round ng mga nagdaang Villar Cup leg.
Binuksan niya ang kampanya nang igupo niya ang reigning world No.1 na si Dennis Orcollo, 11-6 para makaharap sa second round si two-time world champion Ronnie Alcano at daigin sa iskor na 11-7 at makaabante sa quarterfinals.
Nausutan niya si Cebu leg champion Gandy Valle, 11-9 at makalapit sa pagkopo ng koronang nakataya sa apat na araw na kompetisyon na ito na inorganisa ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines sa kooperasyon ng city government ng Bacolod sa pangunguna ni Mayor Evelio Leonardia at ng Negros Billiards Stable (NBS) ni businessman Jonathan Sy na suportado ng Camella Communities.
Samantala, tinalo naman ni William Millares si Jarry Pelayo, 9-6 sa finals upang makopo naman ang “Panersera-pababa” title at ibulsa ang premyong P50,000 cash prize sa side event na humatak ng kabuuang 178 players.