Ateneo silat sa St. Benilde

Kahit wala na sa kontensiyon ang St. Benilde na nabigo sa kanilang unang limang laro, ginulantang nila ang pinapaborang Ateneo,   21-25, 25-17, 25-22, 25-23, noong Martes ng gabi upang ipagkait ang semifinal slot sa Lady Eagles sa Shakey’s V-League second conference sa The Arena sa San Juan.

Na-block ni Zharmaine Velez ang spike ni Michelle Laborte upang biguin ang Lady Eagles na pahabain ang match para sa kauna-unahang panalo ng St. Benilde sa ligang ito na sponsored ng Shakey’s Pizza.

“I’m so happy about this win, we have nothing to lose. I told the girls not to mind our standing, just enjoy and have some fun on the floor,” ani St. Benilde coach Edwin Leyva.

Nagpakawala si Giza Yumang ng 19 hits at kahit may wrist injury, nagsumite naman si Katty Kwan ng 12 points para sa St. Benilde, runner-up sa nakaraang NCAA season.

Nakuha ng Ateneo ang 23-22 pangunguna sa fourth set sa hit ni Laborte ngunit isang service error ang nagawa ni rookie Jem Ferrer at nagdeliber naman ang pintsized na si Ren Agero ng go-ahead point para sa St. Benilde sa kanyang smash.

Ang kabiguan ay ang ika-apat na sunod ng Ateneo na may isang panalo pa lamang sanhi ng kanilang pagkalaglag sa seventh place.

Ang tanging tsansa ng Ateneo na manatili sa kontensiyon ay kung hindi na mananalo ang UST at San Sebastian, parehong may 3-1 kartada, sa kanilang mga natitirang laro kasabay ng kanilang panalo sa mga nalalabing matches kontra sa FEU at UST.

Show comments