Lady Falcons pasok na rin sa Final 4

Sumandal ang Adamson sa mahuhusay na set plays ni Janet Serafica upang pabagsakin ang Lyceum, 26-24, 25-16, 25-16 at makopo ang ikalawang semifinal berth sa Shakey’s V-League second conference sa The Arena sa San Juan City kahapon.

Pinanatiling mainit ni Serafica ang opensa ng Lady Falcons sa pamamagitan ng kanyang mga impresibong set-up plays para sa mga hitters na sina Rissa Jane Laguilles at guest player Nerissa Bautista na may 14 attacks bawat isa para sa straight-set victory ng Adamson sa loob ng isang oras at 11-minutong paluan.

Ito ang ikalimang sunod na panalo ng San Marcelino-based matapos mabigo sa kanilang opening game laban sa Far Eastern U at sinamahan nila ang La Salle na may 5-1 record, sa Final Four ng tournament na sponsored ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision.

“Janet (Serafica) is the key to all our plays. She distributes the ball well, particularly for our top hitters,” ani Adamson coach Dulce Pante.

Tumapos sina Bautista at Laguilles ng pinagsamang 30-point output habang nagdagdag si Angela Benting ng nine hits at nagsumite naman si Paulina Soriano ng six points para sa balance scoring ng Adamson.

Impresibong laro ang ipinakita ni Serafica, ang best setter sa nakaraang UAAP season sa kanyang 67 na na-set laban sa Lyceum, na tuluyan nang nasibak sa kontensiyon bunga ng kanilang 2-4 kartada.

Nanalo naman ang University of Santo Tomas sa Far Eastern U, 25-13, 25-17, 25-12 para saluhan ang San Sebastian sa third place sa 3-1 kartada habang nalaglag ang Lady Tams sa pakikisalo sa fifth place sa Lyceum sa 2-4 record.

Show comments