La Salle volleybelles pasok sa semifinals
Nakarekober ang La Salle sa kanilang mahinang performance sa second set upang igupo ang St. Benilde, 25-18, 21-25, 25-10, 25-17, para makopo ang unang semifinal berth sa Sha-key’s V-League second conference sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Matapos malimitahan sa limang puntos sa nakaraang laro, nagpakawala si Stephanie Mercado ng 17 hits habang nagdagdag si Jacqueline Alarca ng16 points para sa La Salle, na nakausad sa susunod na round bunga ng kanilang matayog na 5-2 kartada.
Nakabangon ang La Salle, tangka ang ikaapat na titulo sa ligang sponsored ng Shakey’s Pizza, sa back-to-back setbacks kontra sa UST at Adamson matapos masweep ang unang apat na games.
“We are really struggling, especially on our set plays but we’re glad it’s over,” ani La Salle coach Ramil de Jesus, na nakahinga na ng maluwag sa kanilang pagpasok sa semis. “Our big start (of four wins) was indeed a big factor in our semis bid.”
Lalong nabaon sa pangungulelat ang St. Benilde bunga ng ikalimang sunod na kabiguan sanhi ng kanilang pagkakasibak sa kontensiyon.
Nauna rito, gumamit ng malagkit na depensa ang San Sebastian College laban sa top hitters ng Far Eastern U tungo sa kanilang 25-20, 25-18, 25-17 panalo para sa solo third sa kanilang taglay na 3-1 marka.
Ang kabiguan ay nag-bagsak sa FEU sa 2-3 para makisalo sa fifth place sa comebacking Lyceum, sa likod ng fourth-running University of Santo Tomas na may 2-1 kartada.
- Latest
- Trending