Batang Pier nagparamdam na
Binuksan ng Harbour Centre ang kanilang kampanya para sa ikaanim na sunod na titulo matapos ang impresibong 83-66 pananalasa sa Pharex sa pagbubukas ng 2009 PBL PG Flex Linoluem Cup sa Ynares Sports Center kahapon.
Kahit wala ang kanilang mga marquee players na sina three-time MVP winner Jason Castro, Sol Mercado, Ty Tang at Beau Belga na umakyat na sa pro-league, nagpakita pa rin ng lakas ang mga Batang Pier na humataw sa ikatlong quarter tungo sa kanilang buwenamanong panalo.
“We got our defense in the middle of the third quarter, so that was the story of the game. I got the points we needed from almost everybody,” pahayag ni Harbour Centre coach George Gallent. “My rookies played just like seasoned players.”
Nanguna para sa Batang Pier ang nagbabalik na si Reed Juntilla na tumapos ng 21-puntos na sinuportahan ng dalawang reinforcements mula sa Far Eastern University na sina Niel Cervantes at Mar Barroca na may 14 at 11 puntos ayon sa pagkakasunod.
Nasayang lamang ang 21-point performance ng No. 1 pick na si Chris Ross bunga ng pagkatalo ng Generix.
Sa isang oras na opening ceremonies, binigyan ng ‘Gawad Katibayan Award si former league MVP Romel Adducul na kasalukuyang nakikipaglaban sa nasal cancer at ang bumberong si Major Naz Cablayan ng “Gawad ng Paglilingkod”.
- Latest
- Trending