Umiskor si Chico Lanete ng buzzer-beating basket upang kumpletuhin ang pagbangon ng Purefoods mula sa 16-points deficit tungo sa kanilang 88-87 panalo kontra sa Talk N Text sa KFC PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa Cuneta Astrodome kagabi.
Binura ng TJ Giants ang 80-64 kalamangan ng Tropang Texters sa pamamagitan ng 24-7 atake na tinuldukan ng pampanalong basket ni Lanete para sa kanilang ikatlong sunod na panalo na nag-angat sa kanila sa 4-4 kartada habang bumagsak naman ang Tropang Texters sa 3-5 record matapos ang kanilang ikatlong sunod na kabiguan.
Matapos ang tres ni James Yap, tumapos ng game-high 30-points, na naglapit sa Purefoods sa 86-87, nabigong umiskor ang Talk N Text sa kanilang posesyon. Sa huling play, na-rebound ni Enrico Villanueva ang nagmintis na jumper ni Kerby Ray-mundo bago niya ipinasa ang bola kay Lanete na nag-fumble pa bago niya nasecure ang bola at maitira para sa pampanalong basket.
Samantala, dadako naman ang aksiyon sa Lucena City kung saan nakatakda ang dalawang maaksiyong laro sa Quezon Convention Center.
Mauunang magsasagupa ng Rain Or Shine at Air21 sa alas-2:30 ng hapon kung saan hangad ng Elasto Painter ang ikatlong sunod na panalo para mapalawig ang 5-3 record.
Habang hindi pa nadedesisyunan ang protesta ng Air21 sa kanilang nakaraang pagkatalo kontra sa San Miguel, sisikapin nilang ibaon sa limot ang kanilang nakaraang pagkatalo upang maiahon ang 3-5 kartada.
Sa ikalawang laro, tangka din ng Coca-Cola ang ikatlong sunod na panalo laban sa Barangay Ginebra sa alas-5:00 ng hapong sagupaan.