Panahon ng pagbabago
Nagsalita na ang Amerika: panahon na ng pagbabago. Hindi nakayanan ni John McCain na kargahin ang napakasa-mang rekord ni George W. Bush, na naging ugat ng kanyang pagkatalo sa pagkapangulo ng Estados Unidos.
Sa darating na botohan ng Philippine Olympic Committee, papatol pa kaya ang mga national sports association sa luma? Ano ba talaga ang kongkretong natamo ng Pilipinas sa mga kasalukuyang nakaupo?
Tignan na lamang natin ang halimbawa ng Amateur Boxing Association of the Philippines o ABAP. Ang dating pangulo ay pumayag maging bise-presidente para sa ikabubuti ng kanyang sport. Magandang senyales para sa susunod na Olympic campaign ng bansa.
Pero huwag nating isiping ganoon lamang ang pagba-bago. Mahaba ang tatlong linggong namamagitan. Ngayon pa lamang, naghahanapan ng butas ang mga kandidato, lalo na sa mga boboto sa eleksyong nakatakda.
Halimbawa, boboto pa kaya ang softball, na hindi na bahagi ng Olympic program? Paano naman ang mga NSA na may presidenteng kinasuhan ng kung anu-ano? Magiging hadlang ba ang mga ito sa pagdaos ng malinis na botohan? Depende siguro kung kanino ka papanig, di kaya?
Naaamoy na natin ang pagbago ng ihip ng hangin, pero hindi naman lahat ay sumusunod sa ihip. Tignan na lamang natin ang mga may unliquidated expenses, isyu ng corruption, walang nagawa, at may kulang pa sa mga rekisitos na hinihingi ng Philippine Sports Commission.
Tandaan natin, isa sa mga lumang taktika ng mga nanga-ngampanya ang tinatawag na “disenfranchisement of voters” o ang paglaglag sa mga botante di panig sa mga nakaupo. Nakikita na natin ang mga palatandaan ngayon habang papalapit ang POC elections. Silipan ng silipan.
Paliitan ng numero ng boboto, para mas kontrolado ang porsyento ng boboto sa iyo.
Kung mahaba’t bagong de-kalibreng armas ang gamit ng kalaban mo’t mukhang mananalo siya, at ang sa iyo’y marupok at kalawanging patalim lamang, di mo ba gugustuhing sa loob na lamang ng drum kayo lumaban?
- Latest
- Trending