Seguridad sa Wild Card Gym, hinigpitan
Sa paghigpit ng seguridad sa Wild Card Boxing Gym ni American trainer Freddie Roach sa Hollywood, California, naging tahimik at maayos ang paghahanda ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Nasa maigting na pagsasanay ngayon ang 29-anyos na si Pacquiao para sa kanilang non-title welterweight fight ng 35-anyos na si Oscar Dela Hoya sa Disyembre 6 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas, Nevada.
“Maayos na maayos po ang aking kundisyon at maganda at tahimik ang aming training camp para sa paghahanda namin kay Oscar Dela Hoya sa Disyembre 6 sa Las Vegas, Nevada,” wika ni Pacquiao.
Matatandaang ibinawal ng 48-anyos na si Roach ang pagpasok ng mga fans at kaibigan ni Pacquiao sa kanyang Wild Card Gym.
Ito, ayon kay Roach, ay upang hindi na rin maulit ang nangyari sa mga nakaraang preparasyon ni Pacquiao, ang bagong World Boxing Council (WBC) lightweight champion, laban kina Mexican boxing legends Erik Morales, Marco Antonio Barrera at Juan Manuel Marquez.
“Bukod sa masaya kami ni Coach Freddie Roach sa aming punch mitts sessions dahil malaya at bukas ang aming pagpapalitan ng kaalaman tungkol sa estilo ni Dela Hoya, mainam din ang aking mga ka-spar dahil lahat sila ay pawang magagaling, malalakas at mabibilis,” ani Pacquiao.
Maliban kay Roach, katuwang rin ni “Pacman” sa pagsasanay sina Eric Brown at kababatang si Buboy Fernandez. (RCadayona)
- Latest
- Trending