'Akin pa rin ang korona'
Kagaya ng kanyang ipinangako, hindi na umabot pa sa distansyang 12 rounds ang kanyang South African challenger.
Tinalo ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. si Moruti Mthalane via sixth-round stoppage upang patuloy na dominahin ang flyweight division ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) kahapon sa Mandalay Bay Resort & Casino sa Las Vegas, Nevada.
Ito ang ikalawang sunod na title defense ng 25-anyos na si Donaire matapos umiskor ng isang eight-round TKO kay Mexican challenger Luis Maldonado noon pang Disyembre 1 sa Mashantucket, Connecticut.
Tuluyan nang itinigil ni referee Joe Cortez ang naturang laban pabor kay Donaire, may 20-1 win-loss ring record ngayon kasama ang 13 KOs, sa 1:31 ng sixth round bunga ng putok sa kaliwang mata ni Mthalane (22-2, 15 KOs) mula sa suntok ng tubong General Santos City.
Ilang matutulis na jabs at right/left combinations ang naikonekta ni Donaire, nakabase ngayon sa San Leandro, California, kay Mthalane sa fifth round bago itinigil ni Cortez ang naturang laban sa sixth round.
“I switched up and threw a left, and boom it hit him,” sabi ni Donaire. “I knew that was it. There was no need to punish him anymore. He couldn’t see me.”
Nasa plano na ni Donaire na umakyat sa super flyweight class na kinalalagyan ngayon nina Armenian Vic Darchinyan, ang inagawan niya ng IBF at IBO flyweight titles via fifth round TKO noong Hulyo 7 ng 2007, at Mexican Jorge Arce.
Samantala, tinalo naman ng 32-anyos na si Darchinyan (31-1-1, 28 KOs) si Mexican Christian Mijares (36-4-2, 15 KOs) sa kanilang unification fight via ninth-round TKO para angkinin ang IBF, World Boxing Council (WBC) at World Boxing Association (WBA) super flyweight titles.
Sa posibleng pagkukrus ng kanilang landas ni Donaire, ang tanging boksingerong tumalo sa kanya, sinabi ni Darchinyan na nasa listahan pa rin niya ang Filipino warrior.
“In the future, maybe I can fight all the champions,” wika ni Darchinyan.
- Latest
- Trending