GUADALAJARA, Mexico — Hindi maganda ang araw para sa Philippines nang lumasap ng kabiguan sina featherweight Glicerio Catolico III at bantamweight Aston Francis Palicte sa kani-kanilang kalaban sa First International Boxing Association (AIBA) Youth World Championships sa Lopez Mateos Gymnasium dito.
Yumuko si Catolico sa mas matangkad na si Wellingtong Arias Romero ng Domincan Republic, 22-3 habang binugbog naman si Palicte, na abante sa kalaban sa ikalawang round 7-8, ng Indian na si Bajrang, 27-8 sa isang kuwestiyonableng desisyon ng Swedish referee.
Samantala, tangka nina light-flyweight Gerson Nietes at lightweight Rolando Tacuyan ang quarterfinals slots kontra sa magkahiwalay na kalaban.
Makakaharap ni Nietes si Jasubek Latipov ng Uzbekistan, habang makikipagtipan si Tacuyan kay Japanese Kenki Tonda.