Ipinangako ni Nonito Donaire Jr. na ibibigay niya ang lahat sa kanyang pagdepensa sa IBO at IBF flyweight titles kontra kay South African Moruti Mthalane sa Mandalay Bay sa Las Vegas sa Linggo.
Sa pamamagitan ng phone patch interview, sinabi ni Donaire sa PSA Forum na naiinip na siya at gusto ng umakyat ng ring para sa ikalawang pagdepensa sa titulong naagaw niya kay Vic Darchinyan noong nakaraang taon.
Naidepensa ni Donaire ang titulo nang pabagsakin niya si Luis Maldonado noong nakaraang July sa Connecticut. Pero simula noon ay hindi na siya lumaban uli hanggang sa mapunta siya kay Bob Arum, na kanyang bagong promoter.
“I’m happy that I’m going to fight again after nearly a year. I feel really good mentally and physically,” ani Donaire sa lingguhang sports forum mula sa kanyang training quarter sa Las Vegas.
Si Donaire ay nagsanay sa loob ng dalawang buwan para sa laban na ito kontra kay Mthalane, na hindi pa lumalaban sa labas ng South Africa. May impresibong record ito na 22 panalo, isang talo na may 15 knockouts.
“It doesn’t matter. I know he’s going to give all he’s got to make things happen for himself. But I won’t let than happen,” dagdag ng Filipino champion na may 19 wins, 1 loss at 12 KOs na hinahawakan.
“He’s a tough guy but shorter than me,” wika pa ng 5-foot-6 na si Donaire sa forum na hatid ng Shakey’s, Accel, Brickroad Gym at d Aspen Spa and MedCentral Medical Clinic.
“He throws a lot of punches and most of all he has a lot of stamina. But we can go toe-to-toe or I can box him. He’s probably hoping that he can take my punches. It’s either my hand breaks or his face breaks.”