Runner-up na naman sa US Open: Alcano kinapos uli
Madaling nakapasok sa finals si Ronnie Alcano ngunit nabigo siya sa pinakamahalagang laban matapos mabigo sa kanyang kapwa former world champion na si Mika Immonen, 13-7, sa kanilang titular match sa 33rd Annual US Open 9-Ball Championship kahapon sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake, Virginia.
Napakasaklap na pagkatalo ito sa 35-gulang na pambato ng starstudded Bugsy Promotions ni businessman Perry Mariano matapos manalo sa kanyang unang walong matches kabilang ang 11-6 pananalasa kay Immonen sa Final Four.
Nakabawi ang pool star mula sa Finland sa naturang kabiguan matapos pabagsakin si Filipino Warren Kiamco, 11-9, sa losers’ bracket, bago malusutan si Alcano para maging ika-23rd player na manalo ng korona sa torneong nilahukan ng total of 238 cue artists.
Nagtapos din si Alcano bilang runner-up sa tournament na ito noong nakaraang taon matapos mabigo kay American Shane Van Boening sa finals.
“Sayang,” ani Alcano, member ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines at ng Team Villards ni Senate President Manny Villar. “Ang ganda na ng laro ko nung unang laban namin, pero bigla na lang akong minalas sa break at sa kanya pumanig ‘yung bola.”
Nagbulsa din si Immonen ng $40,000 top purse, habang nagkasya naman si Alcano sa second prize na $20,000 sa ikalawang sunod na taon.
May pagkakataong makabawi si Alcano kay Immonen sa Q.C. Invasion:Quezon City Philippines vs the World Grand Billiards Showdown sa December 2-4 saTrinoma Mall sa Quezon City.
- Latest
- Trending