Napanatili ni dating double world champion Ronnie Alcano ang kanyang perpektong pananalasa makaraang igupo ang kababayang si Francisco ‘Django’ Bustamante, 11-6 at American Rodney Morris, 11-6 at lumapit ng dalawang hakbang patungo sa paghahari sa 33rd Annual US Open 9-Ball Championship na ginaganap sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake, Virginia.
Patuloy din ang paggapang sa itaas ni Warren Kiamco sa loser’s side nang hakutin nito ang tatlo pang panalo at makapasok sa Final Four ng isang linggong kompetisyon na ito na humatak ng may kabuuang 238 players sa buong mundo.
At hawak ang pitong sunod na tagumpay, si Alcano, nag-iisang entry ng Bugsy Promotions, ay isa sa dalawang players na wala pang talo sa $250,000 event na ito. ang isa ay ang dating world 9-ball titlist Mika Immonen, na kanyang makakaharap sa unang finals slot.
Tinalo ni Immonen si US-based Filipino Jose ‘Amang’ Parica, 11-8 at dating champion Johnny Archer, 11-7, ayon sa pagkakasunod.
“I’m happy to be still in the winners’ side. But I’m not contented, I won’t be contented until I won the title,” ani Alcano, na noong nakaraang taon ay winalis ang lahat ng kalaban patungo sa finals bago ito yumukod kay Shane van Boening sa finals.
Sa kabilang dako, si Kiamco na nalaglag sa one-loss side sa ikatlong round ngunit nanatili sa kontensiyon matapos magwagi ng anim na sunod na laban, ay nagwagi ng tatlo-- pinatalsik si reigning world 9-ball champion Darryl Peach, 11-3, Lee Van Corteza, 11-10, at Rodney Morris, 11-10.
Susunod niyang makakalaban si Archer, na nakabawi mula sa kabiguan niya kay Immonen nang daigin niya si Corey Deuel, 11-8.