Malakas ang naging panimula ni Ronnie Alcano ngunit kailangan pa ng higit na lakas para makalusot sa makapigil-hiningang 11-10 panalo laban sa ‘di gaanong kilalang si Mitch Ellerman sa pagpapatuloy ng 33rd Annual US Open 9-Ball Championship sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake, Virginia, kahapon.
Ito rin ang nangyari sa iba pang Pinoy ngunit karamihan ay nalaglag naman sa kumplikadong losers’ bracket ng isang linggong torneo na ito na magbibigay ng $250,000 papremyo.
Ngunit ang tila akala niyang isang magaan na kalaban ay nanorpresa at nagawang itabla ang iskor sa 6-all at nakuha pang umabante ni Ellerman sa 9-8 bago ibinulsa ni Alcano ang dalawang sunod na racks upang makarating sa tuktok.
Nagkaroon pa ng tsansang maisara agad ni Alcano ang laban sa ika-20th frame ngunit usang dry break ang nagpuwersang makatira si Ellerman para sa deciding rack.
Ngunit kinapos pa rin si Ellerman na nagbigay daan kay Alcano na linisin ang mesa at masiguro ang panalo na nagtulak sa kanya sa ikaapat na round at papalapit sa presitihiyosong korona at $40,000 papremyo na kasama nito.
Susunod na makakalaban ni Alcano si Canadian Tyler Edey.
May tatlo pang Pinoy ang nanatiling buhay sa winners’ bracket matapos ang tatlong araw ng kompetisyon sa mahigpitang sarguhan na ito na humatak ng kabuuang 238 players sa buong mundo.
Dumaan sa butas ng karayom sina dating world No. 1 Francisco ‘Django’ Bustamante at Lee Van Corteza, habang nalusutan naman ni Jose ‘Amang’ Parica ang hamon ng kalaban para maiposte ang kani-kanilang ikatlong sunod na panalo.
Tinalo ni Bustamante si Imran Majid ng England, 11-10; nalusutan ni Corteza si Tony Chohan, 11-10 at dinaig ni Parica si David Broxson, 11-7.
Yumuko si Rodolfo Luat kay Nick Varner, 11-10; natalo si Ramil Gallego kay Tony Robles, 11-5 at nalasap ni Warren Kiamco ang 11-9 decision kontra kay Josh Lewis at malaglag sa losers’ bracket.