Alcano at 5 pang Pinoy umusad

Pinagpag ni two-time champion Ronnie Alcano ang kinakalawang na panimula upang daigin ang American na si Mike Brown, 11-7, sa opening round ng 33rd Annual US Open 9-Ball Championship sa Chesapeake Convention Center sa Chesapeake, Virginia.

Gayunpaman, nahirapan muna si Alcano kay Brown bago nahatak ang panalo na nagbukas ng daan sa 9-man Pinoy squad na kalahok sa isang linggong torneo na ito na humatak ng kabuuang 237 players mula sa iba’t ibang bansa.

Susunod na makakalaban niya ang local bet na si Matt Clatterbuck, na nagwagi kay Billy Anderson, 11-5.

Umusad din si Rodolfo Luat sa ikalawang round makaraang iposte ang 11-5 tagumpay laban kay Louis Ulrich.

Apat pang Pinoy sina Francisco “Django” Bustamante, Lee Van Corteza, Warren Kiamco at Jose “Amang” Parica ang umabante dahil kapwa mga naka-bye sa first round.

Bubuksan naman ni Bustamante ang kanyang kampanya second round kontra kay Keith Brinton, na nanaig kay Adel Al-Shatti, 11-9. Haharapin naman ni Corteza si Abdullah El-Yousef, na nanaig naman kay Randy Labonte, 11-9.

Sa kabilang dako, makikipagtipan naman si Kiamco kay Jason Klatt na nanaig kay Ketie Chuberko, habang makikipagsarguhan si Parica kay Aki Heiskanen.

Kasalukuyan namang nakikipaglaban sina Ramil Gallego, Leonardo Andam at Joven Alba habang sinusulat ang balitang ito. Kalaban ni Gallego si Sam Monday, habang nakatunggali ni Andam si Markus Juva ng Finland at si Alba laban naman kay Chris Melling ng England.

Ang iba pang bigatin na nakausad sa susunod na round ay sina reigning world 9-ball titlist Darryl Peach, Thorsten Hohman, Earl Strickland at defending champion Shane van Boening.

Show comments