Aminado si trainer Nick Durandt na mahihirapan ang kanyang alagang si South Afrian challenger Moruti Mthalane sa laban nito kay world flyweight champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr.
Ito, ayon kay Durandt, ay mula na rin sa pagiging mahusay na fighter ng 25-anyos na si Donaire, ang kasalukuyang flyweight titlist ng International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO).
“It will not be easy because Donaire is good fighter who possesses one of the lethal left hooks in the business,” wika ni Durandt kay Donaire. “But we have detected some mistakes from his boxing armoury which we intend to exploit.”
Nakatakdang idepensa ni Donaire sa ikalawang sunod na pagkakataon ang kanyang IBF at IBO flyweight belts kontra kay Mthalane sa Nobyembre 1 sa Mandalay Bay sa Las Vegas.
Matagumpay na naipagtanggol ng tubong General Santos City na si Donaire ang kanyang korona kay Mexican challenger Luis Maldonado via eight-round TKO noong Disyembre 1, 2007 sa Mashantucket, Connecticut.
Tangan ni Donaire, nakabase sa San Leandro, California, ang 19-1 win-loss ring record kasama ang 12 KOs, habang dala naman ni Mthalane ang 22-1 (15 KOs). (RCadayona)