RP belles yuko sa Thais
Hiniya ng Southeast Asian powerhouse Thailand ang host Philippine team, 25-11, 25-9, 25-14 kahapon sa kasalukuyang classification round ng seventh Asian Youth Girls’ Volleyball Championship sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Agad iniwanan ng mga bata ng Thai coach na si Kulchim Sanong ang mga Pinay volleybelles sa opening set matapos itala ang 17-7 pangunguna at hindi na nila pinaporma pa sa sumunod na dalawang set ang RP Squad upang manatiling walang talo sa classification round.
“I think the home crowd does not affect my players,” ani Sanong, na naghahanda para sa mas mahigpit na laban. “We will have a hard time facing Korea , China and Japan for our next game.”
Nagtala si Chuewulim Sutadta ng nine kills at tatlong service points, habang nagtala naman si Luangtonglang Wanitchaya ng pitong kills at tatlong service points nang tapusin ng Thais ang laro sa isang oras at anim na minuto lamang.
Ang susunod na kalaban ng Thailand sa classification round ay depende sa resulta ng China-Japan game na kasalukuyan pang nilalaro habang sinusulat ang balitang ito na susundan ng Iran-Kazakhstan match.
Susunod na makakalaban ng RP Youth team ang China o Japan sa classification round ng event na suportado ng MIKASA, Shakey’s at Talents Management Internationale, Thermos at Philippine Sports Commission.
Nagtala ng pitong puntos ang team captain na si Alyssa para sa Pinas Valdez at lima mula kay spiker Patty Orendain.
Ito ang ikalawang talo ng RP girls, nanalo sa Sri Lankan sa preliminary round.
Bago natalo sa Korea kamakalawa, 25-15, 25-13, 25-23.
Sa Pool E, nakopo ng Koreans ang ikalawang sunod na panalo sa classification round matapos igupo ang Australian squad, 25-19, 25-9, 22-25, 25-8.
Tulad ng RP Team, ang Australia ay 0-2 sa classification round.
Sa Pool F, tinalo ng Chinese-Taipei ang Indonesia, 25-15, 25-5, 25-19, para makabawi sa pagkatalo sa reigning champion Japan sa simula ng classification round kamakalawa. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending