Sparring mate ni Pacquiao nasaktan
Sa kabila ng pagiging isang light middleweight fighter ni Randy Holloway, hindi pa rin nito naiwasang mangiwi nang tamaan ng mga body shots ni Filipino boxing superstar Manny Pacquiao.
Ito ang natikman ng 5-foot-11 na si Holloway mula sa kanilang unang sparring session ng 5’6 na si Pacquiao sa Wild Card Boxing Gym ni American trainer Freddie Roach sa Hollywood, California.
“Manny is too fast and very strong. I felt those body shots,” reklamo ng 27-anyos na si Holloway, dati nang naka-sparring sina world welterweight champion Antonio Margarito, Shane Mosley at dating world light middleweight king Sergio Mora.
Tangan ng tubong North Carolina na si Holloway, nakasabayan rin sa boxing ring si 2004 Athens Olympic Games bronze medalist Alfred Angulo ng Mexico, ang 9-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 5 KOs.
Bukod kay Holloway, kinuha rin ni Roach bilang sparring partners ni Pacquiao sina middleweights Roberto Garcia (22-1, 17 KOs) at Yuri Foreman (25-0, 8 KOs) at welterweight Marvin Cordova, Jr. (20-0, 11 KOs).
“I got six talls guys with good left hands, good left hooks to spar with Manny. I got six guys who are close to Oscar as they can get,” wika ni Roach. “They’re bigger and stronger just like they say Oscar is.”
Ang nasabing left hook ng 35-anyos na si Dela Hoya ang isa sa mga pinaghahandaan ni Roach at ng 29-anyos na si Pacquiao.
Ito ang unang pagkakataon na aakyat sa welterweight (147 pounds) division si Pacquiao, ang kasalukuyang World Boxing Council (WBC) lightweight titlist, kasabay ng pagbaba ni Dela Hoya mula sa light middleweight class. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending