Matapos mabigo na maibalik sa bansa ang karangalan sa World Cup of Pool, nangako si world No. 1 Dennis Orcollo na babawi na lang sa kanyang pagtumbok sa 2008 Guinness 9-Ball Tour Grand Finals sa October 24-26 sa Jakarta, Indonesia.
“I’m very disappointed that we weren’t able to fulfill our mission of winning the World Cup, and I blame myself for it,” ani Orcollo, na gumawa ng ilang unforced error na tuluyang tumapos sa pag-asa nila ng kanyang kapartner na si Francisco ‘Django’ Bustamante makaraang yumuko sa American pair nina Shane van Boening at Rodney Morris sa semifinals sa event na ginanap sa Rotterdam, Holland. Ang Americans ang nagkampeon.
Sa kasalukuyan, si Orcollo ay nagwagi ng apat na major titles ngayong taon-- ang 2008 Quezon City 9-Ball Championship, All-Japan Open, Qatar International 9-Ball Open at ang Guinness Tour leg sa Guangzhou, China -- na nagpatatag sa kanya bilang pinakamahusay na cue artist sa mundo ngayon.
At pagkatapos ng Guinness finale, sasamahan niya ang pito pang Pinoy pool masters sa Q.C. Invasion: Quezon City-Philippines vs the World Grand Billiards Showdown sa December 2-4 sa Trinoma Mall.