Kaliweteng Mexican legend ka-ispar ni Dela Hoya
Kung ilang potensyal na world champions ang kinuha ni American trainer Freddie Roach bilang mga sparring partners ni Manny Pacquiao, isang Mexican boxing legend naman ang hinugot ni Ignacio “Nacho” Beristain para kay Oscar Dela Hoya.
Ang pagiging southpaw (kaliwete) at malalim na ekperyensa ni Daniel Zaragoza ang mga bagay na ikinunsidera ni Beristain para kunin ang dating world bantamweight at super bantamweight titlist.
Dinomina ni Zaragoza, sa ilalim ng pagmamando ni Beristain bilang chief trainer, ang bantamweight at super bantamweight division ng World Boxing Council (WBC) bago nagretiro matapos talunin ni Erik Morales via 11th-round KO noong Setyembre 6 ng 1997.
Si Zaragoza ay nakatakdang magtungo sa high-altitude training center sa Big Bear, California kung saan nag-eensayo ang 35-anyos na si Dela Hoya kasama si Beristain.
Sa kanyang opisyal na pagreretiro at mawakasan ni Morales ang kanyang 11-fight winning streak, nagtumpok ang tinaguriang “The Mouse” ng 55-8-3 win-loss-draw ring record kasama ang 28 KOs.
Sa Wild Card Boxing Gym naman ni Roach makakasabay ng 29-anyos na si Pacquiao sina light middleweights Rashad Holloway at Roberto Garcia, middleweight Yuri Foreman at welterweight Marvin Cordova, Jr.
Tangan ng 27-anyos na si Holloway ang 9-1 (5 KOs) card at naka-sparring na ang mga katulad nina world middle-weight king Antonio Margarito, 2004 Athens Olympics bronze medalist Alfredo Angulo ng Mexico at American middleweight Sergio Mora.
Nagsanay na rin si Holloway sa boxing camp ni three-time world champion Sugar Shane Mosley, ang tanging boksingerong tumalo kay Dela Hoya ng dalawang beses, habang nakasama naman ni Garcia, may 22-1 (17 KOs) slate, sa isang boxing camp sina Angulo at Nicaraguan Ricardo Mayorga na minsan niyang niyanig sa isang sparring session.
Nagdadala naman ang 28-anyos na si Foreman ng perpektong 25-0 (8 KOs) at may 20-0 (11 KOs) ang 23-anyos na si Cordova. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending