Isa na namang impresibong performance ang ipinamalas nina Francisco ‘Django’ Bustamante at Dennis Orcollo nang kanilang igupo ang Japan, 9-2, sa quarterfinals at dalawang panalo na lamang ang kanilang layo para makopo ang titulo sa 2008 PartyPoker.net World Cup of Pool na ginaganap sa Outland Nightclub sa Rotterdam, Holland.
Sa panalong ito, paborito ang second-seeded Filipino duo ng former at current world no.1 na manalo sa prestihiyosong billiards crowns sa buong mundo na huling nahawakan ng bansa noong 2006.
Nasa semifinals na sina Bustamante at Orcollo na sinuportahan ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports ni Senate President Manny Villar at ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines ng $250,000 event na ito matapos manalo ng 25 racks at pitong talo lamang.
Nakatakda nilang sagupain ang no.6 United States team nina former world 10-ball titlist Shane van Boening at Rodney Morris para sa isa sa dalawang finals slots kagabi.
Tinalo ng mga Americans ang Austrian team nina Jasmin Ouschan at Martin Kempter, 9-7 sa kanilang quarterfinals encounter.
Ang iba pang Final Four match ay sa pagitan ng defending champion at top seed China kontra no.5 England.
Ang Chinese pair nina Fu Jianbo at Li Hewen ay nanalo kina no.9 Fabio Petroni at Bruno Muratore ng Italy, 9-2, habang nanaig naman ang English tandem nina reigning world 9-ball champion Darryl Peach at Mark Gray kina Ralf Souquet at Thomas Engert ng no.4 Germany, 9-7.