Makaraan ang six-city promotional tour sa United States, isang biopic naman ang ilalahad ng Home Box Office (HBO) para kina Filipino boxing superstar Manny Pacquiao at kalabang si world six-division champion Oscar Dela Hoya.
Dumating na kamakailan ang isang HBO crew sa General Santos City para simulan ang naturang television special na bahagi ng tinatawag na ‘round-the-clock promotional blitz’ hinggil sa “Dream Match” nina Pacquiao at Dela Hoya.
Ang Pacquiao-Dela Hoya non-title welterweight fight ay nakatakda sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada at isasaere ng HBO.
Itatampok sa naturang biopic ang pinagmulan ng 29-anyos na si Pacquiao buhat sa pagtitinda ng pandesal sa kanilang nayon hanggang sa pagiging world four-division titlist at pagkilala bilang ‘pound-for-pound best fighter’.
Sinimulan ni Pacquiao ang kanyang professional boxing career sa edad na 16-anyos kung saan siya humataw ng 11 sunod na panalo bago mapatulog ni Rustico Torrecampo sa kanilang flyweight bout noong 1996. (Russell Cadayona)