Bustamante-Orcollo tandem lusot sa unang round
Nakaiwas sa upset ang mga second seeds na sina Francisco ‘Django’ Bustamante at Dennis Orcollo matapos demolisahin ang Denmark team nina Martin Larsen at Kasper Kristoffersen upang makasulong sa ikalawang round ng 2008 PartyPoker.net World Cup of Pool na ginaganap sa Outland Nightclub sa Rotterdam, Holland.
Maagang umabante ang Filipino duo ng former at current world no.1 na isa sa paboritong manalo sa prestihiyosong $250,000 event na ito sa 3-0 at hindi na nila binigyan pa ng pagkakataong makabangon ang kalaban.
“Pinilit talaga naming makauna at makalayo agad para makaiwas sa silat,” sabi ni Orcollo na sinuportahan kasama si Bustamante ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports ni Senate President Manny Villar at ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP).
“Good start,” dagdag ni Bustamante. “Pero malayo pa ito at kailangan pa naming pagbutihin pa ang aming laro.”
Susunod na makakalaban ng Team Philippines, naghahangad mabawi ang titulo na nakuha nila noong 2006 sa tulong nina Bustamante at pool icon Efren “Bata” Reyes, ang no.5 seed Russia team nina former European no.1 Konstantin Stepanov at Ruslan Chinahov.
Tinalo ng Russians ang Malaysian tandem nina Ibrahim bin Amir at Lee Poh Soon, 8-4, sa opening round.
Sa iba pang first round matches, nanalo ang Croatia sa Spain, 8-7, at Japan sa Australia, 8-5.
Nasa quarterfinals na ang defending champion China at Austria, sa six-day competition na ito na may premyong $60,000 cash sa champions.
Ang top seed Chinese tandem nina Fu Jianbo at Li Hewen ay nakaiwas sa upset mula sa bigating Switzerland team nina Marco Tschudi at Dmitri Jungo matapos itakas ang 8-7 panalo habang ang Austrian pair nina Jasmin Ouschan at Martin Kempter ay nanaig sa Belgium team nina Serge Das at Noel Bruynooghe, 8-6.
- Latest
- Trending