Ginebra vs Sta. Lucia sa bakbakan ng mga kampeon
Labanan ng mga kampeon ng nakaraang season ang tampok na laro ngayon sa pagpapatuloy ng KFC PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.
Magdedebut ngayon ang defending champion Sta. Lucia Realty at ang Fiesta Cup champion Barangay Ginebra sa alas-7:30 ng gabi.
Mauuna rito ay ang sagupaan ng Purefoods TJ Giants at ng Red Bull sa alas-5:00 ng hapon bilang pampaganang aksiyon.
Halos di natinag ang mga line-up ng Gin Kings at ng Realtors sa season na ito gayunpaman, may bentahe ang Sta. Lucia sa kalaban dahil marami pa ang may injuries sa Ginebra ngayon at hindi 100% ang kanilang team.
Ipaparada ng Realtors ang kanilang rookie na Kelvin Gregorio, ang pinaka-huling pick sa first round ng rookie draft na siyang tanging bagitong player sa ikalawang laro.
Sa unang laro, makikilatisan naman ang 7th pick na si Beau Belga, Jonathan Fernandez, 16th pick at ang free agent na si Chad Alonzo ng Purefoods habang sina 9th pick Larry Rodriguez at 15th pick Jeff Chan naman ang magdedebut para sa Bulls.
May iniinda pang injury sina Mark Caguioa, Eric Menk at ang Most Valuable Player ng nakaraang season na si JayJay Helter-brand kaya matatagalan pa bago makabalik sa dating porma ang Ginebra.
Samantala, kapwa sinuspinde ng tig-isang laro sina Arwind Santos at Homer Se ng Air21. Bukod sa suspensiyon, pinagmulta din ang dalawa ng tig-P20,000 bunga ng kanilang flagrant foul -2.
Tinamaan ni Se si Mark Andaya ng Rain or Shine sa mukha nang nakikipag-unahan ito sa pagkuha ng rebound jabang siniko naman ni Santos ang rookie na si Sol Mercado.
Pinagmulta din ng P6,000 si Wynne Arboleda na natawagan ng 2 technical fouls ngunit nalusutan ang suspensiyon.
Samantala, pinagmulta din si Mark Telan ng Coca-Cola ng P5,000 sa kanyang flagrant foul one kontra kay rob Reyes ng Talk N Text sa opeong day noong nakaraang Sabado. (Mae Balbuena)
- Latest
- Trending