Napag-aralan na ng kampo ni Pacquiao ang jabs ni Dela Hoya
Sa taas na 5-foot-10 1/2, ang pamosong jabs ang inaasahang gagamitin ni Oscar Dela Hoya laban sa 5’6 na si Manny Pacquiao.
Ang nasabing sandata ng 35-anyos na si Dela Hoya, magiging 36-anyos sa Pebrero ng 2009, ay napag-aralan na nina Pacquiao at American trainer Freddie Roach.
“We studied a lot of techniques for his jab,” wika ng 29-anyos na si Pacquiao. “Freddie believes we can counter it, you will see that in the fight. My coach knows Oscar’s weaknesses, how much power he has, and how he moves.”
Ang 48-anyos na si Roach na naging trainer ni Dela Hoya nang mabigo kay Floyd Mayweather, Jr. para sa world light middle-weight championship noong Mayo 5 ng 2007.
Inaasahan ring sisilipin nina Pacquiao at Roach ang ilang ‘butas’ sa laban ni Dela Hoya kay Steve Forbes noong Marso kung saan umiskor si “Golden Boy” ng isang unanimous decision.
“Its seems like Steve and I have the same height,” sabi ni Pacquiao sa 5’7 na si Forbes. “I saw some techniques that can be applied to training camp.”
Nakatakda ang non-title welterweight fight nina Pacquiao at Dela Hoya sa Disyembre 6 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada.
Bagamat mas mabilis sa kanya si “Pacman”, sinabi ni Dela Hoya na ang kanyang ‘timing’ ang magbibigay sa kanya ng panalo.
“You can be the slowest fighter out there, but if you can time that punch coming in, you can be ten times faster,” wika ni Dela Hoya, isang world six-division champion.
Samantala, handa namang labanan ni Pacquiao, ang bagong World Boxing Council (WBC) lightweight ruler, si Mexican Juan Manuel Marquez para sa pagbuo ng kanilang ‘trilogy’.
Subalit hindi ito gagawin sa lightweight division kundi alinman sa welter-weight o light welterweight class.
“I would fight Juan Manuel anytime if the negotiations are okay with my promoter Bob Arum and if he is willing to fight me at 145 or 147 pounds--because I plan to stay at that weight,” katuwiran ni Pacquiao.
Matatandaang inagaw ni Pacquiao kay Marquez ang suot nitong WBC super featherweight belt via split decision noong Marso 15 bago alisan ng WBC lightweight crown si Mexican-American David Diaz via ninth-round TKO noong Hunyo 28.
Matapos mahubaran ni Pacquiao ng korona, umakyat ang 35-anyos na si Marquez sa lightweight category kung saan niya inagaw kay Cuban Joel Casamayor ang tangan nitong Ring Magazine lightweight title mula sa isang 11th-round TKO noong Setyembre. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending