Tropang Texters bumandera agad
Maliban sa magandang laro ng kanyang mga beterano at mga rookies, sumandal rin ang Talk ‘N Text sa technical error ng karibal na Coca-Cola sa nalalabing 8.6 segundo ng final canto.
Isang technical foul shot ni pointguard Jimmy Alapag sa natitirang 8.6 segundo ang naglusot sa 98-97 tagumpay ng Tropang Texters kontra sa Tigers sa pagbubukas ng 2008 KFC-PBA Philippine Cup kagabi sa Araneta Coliseum.
Tumipa si Ren-Ren Ritualo, Jr. ng 24 puntos, tampok rito ang 4-of-8 clip sa three-point line, at nag-ambag naman ng 21 si Mac-Mac Cardona, 15 si rookie forward Jared Dillinger at 11 si 6-foot-9 Yancy De Ocampo para sa 1-0 rekord ng Talk ‘N Text.
“I thought we played really well. We had to go small because of the injury of Ali Peek. And it was just a gutsy win, a gritty win,” wika ni coach Chot Reyes. “But it’s just a first game of the season at marami pang mangyayari.”
Ipinoste ng Tropang Texters ang isang 15-point lead, 52-37, sa 2:50 ng second period mula sa basket ni Ritualo hanggang makalapit ang Tigers sa 86-90 sa 4:00 ng fourth quarter buhat sa jumper ni Alex Cabagnot.
Tuluyan nang inangkin ng Coke, may 4-1 rekord sa kanilang head-to-head ng Talk ‘N Text noong 33rd season, ang unahan sa 95-94 buhat sa ikalawang sunod na tres ni Ronjay Buenafe sa natitirang 49.7 segundo.
Muling napasakamay ng Tropang Texters ang 97-95 bentahe galing sa tres rin ni 6-foot-9 Yancy De Ocampo sa huling 39.8 tikada bago ang dalawang charities ni Cabagnot mula sa foul ni rookie forward Rob Reyes para itabla ang Tigers sa 97-97 sa 32.2 segundo nito.
Makaraan ang turnover nina Alapag at Mac-Mac Cardona, tumawag naman ng timeout si 6’9 Asi Taulava sa 8.6 segundo nito kung saan dumiretso ang Coke sa isang full timeout.
“May thirty-second timeout pa sila pero itinawag nila full timeout. And that’s an excessive timeouts. Para sa akin, ang may mali doon ‘yung assistant coach,” wika ni Reyes sa naturang technical error ng Tigers na nagresulta sa technical freethrow ni Alapag para sa 98-97 abante ng Tropang Texters.
Nagkaroon pa ng tsansa ang Coke na maagaw ang panalo kundi lamang naimintis ni Cabagnot ang isang layup at binawi naman ng game officials ang basket ni Taulava matapos tumunog ang final buzzer.
Tinapos ng Talk ‘N Text ang kanilang four-game losing slump kontra sa tropa ni Binky Favis sapul nang mangyari ang trade kina Taulava at Peek sa gitna ng nakaraang Philippine Cup na pinagharian ng Sta. Lucia kontra Purefoods.
“Maganda naman ‘yung game ng mga rookies namin,” wika ng 6’2 na si Ritualo, nagtumpok rin ng 5 rebounds, 3 assists at 1 steal, kina Dillinger, Rob Reyes at Jason Castro. “Sa tingin ko marami pa silang maipapakita.” (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending