Sisikapin nina Francisco “Django” Bustamante at Dennis Orcollo na muling mapasakamay ang titulo sa 2008 PartyPoker.net World Cup of Pool bilang mga kinatawan ng bansa sa October 7 -12 tourney sa Rotterdam, Netherlands.
Makikipaglaban sina Bustamante at Orcollo laban sa 31 pang tandems mula sa iba’t ibang dako ng mundo sa torneong ito na may total prize na $250,000 (P11.75-million), kabilang ang champion purse na $60,000, sa tulong ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP) at ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports ni Senate President Manny Villar.
“I think we have a strong chance to recover that World Cup,” ani Bustamante, na nanalo sa event na ito katambal si Efren “Bata” Reyes sa unang staging ng event na ito noong 2006 ngunit nabigo silang idepensa ang titulo noong nakaraang taon matapos mabigo sa mga eventual champion na sina Fu Jian Bo at Li Hewen ng China sa quarterfinals.
“With Dennis, we have a combination of experience and talent, and old and new style. I also think that we have a good chemistry, which is very essential in this kind of competition,” wika ng former world’s top-ranked player ng Puyat Sport na si Bustamante.
Si Orcollo, kabilang sa star-studded Bugsy Promotions ni businessman Perry Mariano, ang reigning world no.1, at nais niyang isama sa kanyang koleksiyon ang titulo sa torneong ito matapos manalo sa apat na major tournaments sa taong ito na kinabibilangan ng San Miguel Beer-Quezon City 9-Ball Championship, All-Japan Open, 2008 Qatar International 9-Ball Open at China leg ng 2008 Guinness Tour.
Sina Bustamante at Orcollo ay bahagi ng eightman Filipino squad na sasabak sa Q.C. Invasion: QC-Philippines vs the World Grand Billiards Showdown sa December 2-4 sa Trinoma Mall sa Quezon City.