ABS-CBN kampeon sa Villar Cup Media edition
Pinigil ng ABS-CBN ang Team Bulacan Media Organization (Team BOG) para sa 11-8 panalo at maghari sa First Senate President Manny Villar Cup Media Edition kahapon sa AMF-Puyat Billiards Center sa StarMall EDSA sa Mandaluyong City.
Ang panalo ay nagbigay sa “Kapamilya Network” squad na binubuo nina Rowen Ruedas, Bernardo Carpio at Pablito ‘Ambo’ Hizon ng prestihiyosong Villar Cup at premyong P50,000 sa torneong ito na ipiniprisinta ng Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports.
Nakuntento na lamang sa runner-up place ang Team BOG at premyong P30,000 cash prize sa dalawang buwang torneo na ito na inorganisa ng Media Sports League (MSL) at suportado ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP).
Tinalo naman ng Team Photogs na binanderahan nina Philippine Star’s Joey Mendoza at Edgar Reyes at Gazzete’s Arman Clemente ang DZBB, 5-3, para sa second runner-up place at premyong P20,000 at third runner-up ang DZBB na tumanggap ng tropeo at P10,000.
Personal na iginawad ni Senate President Manny Villar ang mga premyo sa mga nagwagi kasama sina billiards legend Efren “Bata” Reyes, Francisco “Django” Bustamante, dating world champion Alex Pagulayan, world no.1 Dennis Orcollo at dating Asian Games gold medalist Gandy Valle.
May kabuuang 26 teams mula sa iba’t ibang media organizations ang lumahok sa torneong ito na hatid din ng StarMall, 100 Plus Energy Drink, Pan de Pidro, Tips N Toes Nail Salon at Chopopoy’s Manukan.
- Latest
- Trending