World class na laro ang masasaksihan sa WPA World Ten Ball
Inaasahang world class play ang mapapanood sa WPA World Ten Ball Championship dahil imamando ito ni World Pool Association vice president Thomas Overbeck at may dalawang foreign referees na darating para sa event na gaganapin sa Philippine International Convention Center sa Sept. 29-Oct. 5.
Ang German executive na si Overbeck, ay nagpatakbo na ng 20 tournaments para sa WPA.
Gagamit ng WPA computer system at program para sa scheduling, arranging at scoring ng matches sa torneong ito.
Ang dalawang international referees na mag-oofficiate sa torneo ay sina Ken Shuman ng United States at Miha Vovko ng Slovenia kasama ang labing dalawang Filipino referees na kinabibilangan nina Federico Lingan, Philip Villalon, Benedicto Baay at Allan Soliman.
Si Sol Gueco ng Raya Sports ang deputy tournament director. Ang WTBC ay may kabuuang 128 players na maglalaban-laban sa main draw para sa total prize na $400,000.
Sa ngayon, ang Chinese Taipei ang may pinakamaraming entries matapos ang panalo ni Che Ying-Chie sa Qualifying 8 ng tournament na ito.
Kasama na sa main draw para sa Chinese Taipei sina double world champion Wu Chia-ching Wang Hung Hsiang, veteran player Yang Ching-Shun, multi-titled Guinness 9-Ball champion Chang Jung-Lin, world junior champion Ko Pin-Yi, Lai Chia-Hsiung, Fu Che-Wei, Wang Kuo-Pin, Chang Pei Wei at Chang Yu Lung.
Ipaparada ng Chinese Taipei ang kanilang top rated women players sa men’s event na sina Lin Yuan Chun, ang reigning World Women’s 9-ball champion at Liu Shin Mei, Doha Asian Games 9-Ball titlist.
Si Demosthenes Pulpul ang pinakahuling Pinoy na idinagdag sa main draw matapos talunin si Chu Hing-Ming, 9-7 sa finals ng Qualifier 7.
Makakasama niya ang mga nauna ng nagqualify na sina Antonio Gabica, Marlon Manalo, Jeffrey de Luna, Elmer Kalaquian, Elvis Calasang at ang di kilalang player na si Arnel Bautista.
Binigyan naman sina national junior champion Jericho Bañares, runner-up kay Wu sa Puerto Princesa leg ng PPT at overseas Filipino Mario Tolentino ng wildcard entries.
- Latest
- Trending